Saturday, October 17, 2009

3rd Blog: ANG BUHAY HIGH SCHOOL....

ANG BUHAY HIGH SCHOOL….


Sabi nila, ang high school daw ang pinakamasayang yugto sa buhay ng isang estudyante. Bakit kamo? Dahil hindi naman lahat ng tao ay nakakapagaral. Hindi lahat ng tao ay nagiging estudyante. Isa pa, marami kang makikilala at makakasalamuha sa loob ng silid aralan. Nariyan ang mga kaklase mong kala mo ay si Dolphy kung magpatawa. Sobrang korni naman. Mga kaklaseng kala mo ay mga modelo ng make-up at pabango ng AVON. Mga kaklaseng walang pakilam sa mundo kundi libro, blackboard at teacher lang. Mga kaklaseng kala mo ay mga intsik at muslim na wala ng ginawa kungdi magbenta ng kung anu-ano. Mga kaklaseng weirdo na kala mo ay kapatid ni Kokey sa ibang mundo. Mga kaklaseng napakayayabang ngunit wala naman laman ang ulo. Mga kaklaseng kala mo ay artista ng GMA at ABS-CBN na pumasok lamang para magpakyut. At sari-sari pang mga kaklase na meron sa mundo. Pero ano nga ba ang meron sa mundo ng “HAYSKUL”?

Masyadong abala ang buhay high school. Mula first year o freshmen, second year o sophomore, third year o juniors, at fourth year o senoirs. Ngunit abala man tayo sa ating buhay high school, marami naman tayong natutunan.

Sa high school tayo natuto ng salitang “BAYANIHAN”. Madalas ito sa tuwing kapanahunan ng final exam at mga pagsusulit. Mga tapik, ubo, singhot, senyas, at konting kindat ang mga paraan ng pagbabayanihan. Nakakatulong ka na, natutulungan ka pa. Minsa’y kahit walang laman ang utak mo dahil hindi ka nakapag-aral, matutulungan ka ng pagbabayanihan para makapasa sa pagsusulit. Minsan pa’y ikaw ang pinakamataas dahil doon.

Sa high school natin natutunan maging isang pari. Napakarami nating binibinyagan nung tayo’y nasa high school pa. Iba’t ibang pangalan, iba’t ibang tawag. Mga hayop (aso, pusa, baboy, baka, manok, unggoy, gorilya, kabayo, daga, elepante, hipopotamus, ahas, at kahit nga komodo dragon hindi nakaligtas dahil sa bagsik ng laway nito), insekto (lamok, langaw, uod, langgam, bubuyog), prutas (durian, mangga, tsiko, papaya,) artista (sharon cuneta, vilma santos, nora aunor, robin padilla, rudy fernandez, bong revilla), at kung anu-ano pang pwede nating itawag, hindi lamang sa ating mga kaklase, kundi pwede rin sa ating mga guro at administrador ng eskwelahan. Kahit nga sila kuya guard at sila manong janitor hindi nakakatakas eh. Isama pa natin sila ate sa canteen.

Sa high school natin natutunan kung ano ang ibig sabihin ng religion. Nariyan ang puspusang pagdarasal sa panahon ng recitation. Tinatawag na ang lahat ng santo para lang wag tawagin ng guro. Ganito rin minsan ang mga eksena bago magsimula ang isang final exam o pagsusulit. Lahat ay nagdarasal para makapasa. Minsan nga ay may nagnonovena pa para lamang makapasa hindi lamang sa examinations kundi pati na rin sa susunod na antas ng high school.

Sa high school natin nanatutunan kung paano gamitin ang stamina. Lagi itong nagagamit sa paggawa ng mga proyekto sa skul. Proyekto na tatlong buwan ang palugit. Tatlong buwan para pagisipan. Tatlong buwan para gawin. Ngunit, isang araw bago ang deadline, saka lang tayo sisipagin. Saka lamang tayo gagalaw. Dito natin nagagamit ang ating stamina dahil walang nang tulugan ang paggawa ng proyekto. Paguwi pa lamang ng bahay, puspusan na ang paggawa. Walang pwedeng umistorbo. Kasabay ng pagtilaok ng manok ang pagtatapos ng paggawa ng isang proyektong napakaganda. Napakaganda sa ating paningin. Napakaganda dahil pinaghirapan nating tapusin ng wala pang isang araw.

Sa high school natin natutunan na isa pala tayong atleta. Tuwing umaga, nagiging varsity tayo ng track and field dahil araw araw tayong nakikipagkarera sa oras. Madalas tayong tumatakbo at nakikipaghabulan sa mga katulad nating atleta upang takasan ang mga gwardiya sibil patungo sa quadrangle upang dumalo sa flag cereony.

Sa high school natin natutunan kung paano magnegosyo. Talo pa natin yung mga negosyanteng intsik at muslim sa divisoria at quiapo sa paraan ng pagnenegosyo. Mga papel, ballpen, index card, bond paper, at kung anu-ano pang mga school supplies ang ating mga paninda. Hindi lang yan. Tumatanggap di tayo minsan ng mga proyekto at assignments. Minsan, pati ang ating baon, ikakalakal na din para lang makarami ng benta.

Ilan lamang yan sa dinami dami at hindi na mabilang na karanasan, natutunan, at napagdaanan sa panahong tayo ay nasa high school pa.

Ngunit hindi lamang yan.

Sa high school tayo natuto kung paano tumayo sa sarili natng mga paa. Maging independent. Gumawa ng sariling diskarte sa buhay. Natutunan din nating umibig at masaktan. Natutunan din nating mabigo at bumangon mula sa pagkakasadlak. Nang dahil sa mga kabiguan natin natutunan ang magtagumpay sa buhay. Sa high school natin natutunan kung paano natin makikilala ang ating sarili. Dahil sa mga panahong ito nahuhubog kung anong klaseng pagkatao mayroon tayo.

Bawat taon, nagbabago, nadadagdagan. Hindi natin kayang malilimutan. Dahil sa mga panahong ito tayo nahubog kung anong pagkatao mayroon tayo.

No comments:

Post a Comment