Saturday, October 17, 2009

2nd Blog: KAIBIGAN SINO KA BA?

KAIBIGAN, sino ka ba?

Ang pagkakaibigan ay isang importanteng aspeto sa buhay ng isang tao. Mayroon itong napakalaking papel sa buhay natin sapagkat isa itong tagpo sa ating buhay kung saan tayo ay matututong makisalamuha sa iba’t ibang uri, kultura, tradisyon, at ugali ng mga tao. Ang pagkakaibigan ay isang samahan ng mga taong may iba’t ibang pananaw sa buhay. Hindi man magkakadugo ngunit parang isang pamilya ang turingan ng bawat isa. Sila na ang ating tinaguriang pangalawang pamilya. Sila ang ating takbuhan sa oras ng ating pangangailangan. Ating tagapayo at ating tagapagtanggol. Ngunit hindi lahat ng pagkakaibigan ay may mabuting naidudulot sa ating buhay. Dahil minsan, ito ang sanhi ng ating mga kapahamakan. Ang iba naman ay ginagamit lamang ito sa pansariling kapakanan.

USER FRIENDLY.

USER FRIENDLY ka ba? Isa ka bang tipo ng KAIBIGAN na nagiging kaibigan lamang kapag may kailangan, ngunit kung wala na at nakuha mo na ang gusto mo, hindi ka man lamang makaalala. KAIBIGAN ka lamang ba sa tuwing magkakasama kayo, ngunit kapag hindi na, para na kayong hindi magkakilala, parang wala na kayong pinagsamahan. KAIBIGAN ka bang talaga? O nagiging KAIBIGAN ka lamang kapag nalaman mong may makukuha sa sa mga taong kinakaibigan mo? Para kang lamok na dadapo na lamang sa balat ng tao at sisipsipin ang lahat ng dugo hanggang sa mabusog. At pagkatapos, ay aalis na lamang ng parang walang nangyari. Kapag nagutom, dadapo na lamang ulit sa isang tao, at sisipsip ng dugo. At paulit ulit lamang na proseso. Minsan pa’y may dala ka pang sakit sa mga taong dinadapuan mo. Isa ka bang lamok sa buhay ng mga itinuring kang kaibigan?
USER FRIENDLY ka ba?

Masakit mang isipin, ngunit mayroon talagang mga ganitong taong nabubuhay sa mundo. Hindi mo alam, ay madami ka na palang mga nakasamuhang ganitong mga nilalang. Hindi mo din alam na mayroon ka palang ganitong mga kaibigan. Hindi sila endangered species sa kadahilanang sila ay lalong dumarami. Kaya’t hindi mo pwedeng sabihin na isa lamang siya sa buhay mo. Nagkakamali ka. Baka nga hindi mo na sila kayang bilangin sa dami. Kaya pinapaalalahanan kita. Magiingat ka. Mahirap kasing maging parang dugo lamang sa paningin ng mga lamok mong KAIBIGAN. Ngunit wag kang mabahala. Kasi hindi lamang naman sila ang taong nabubuhay sa mundo. Mayroon pang mga iilan na masasabi nating TUNAY NA KAIBIGAN.

TUNAY NA KAIBIGAN.

TUNAY NA KAIBIGAN ka ba? Isa ka bang tipo ng KAIBIGAN na handang tumulong ano mang oras ka kailangan, na hindi na naghahanap o naghihintay pa ng anumang kapalit? KAIBIGAN ka ba na handang mag-alay ng kanyang oras, kaligayahan at higit sa lahat, handang ialay ang sarili sa maga taong itinuring mong kaibigan? KAIBIGAN ka ba na handang magbigay ng respeto at buong tiwala sa mga taong minahal mo bilang kaibigan? Para kang isang superhero na handang tulungan ang lahat ng tao na kahit na paulit ulit mang mahirapan at masaktan ay patuloy pa ring tutulong kahit na ibuwis ang kanyang buhay hanggang sa ikasawi nito. Isa ka bang superhero sa buhay ng mga itinuring kang kaibigan?
TUNAY NA KAIBIGAN ka ba?

Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang KAIBIGAN? Napakaraming ibig sabihin ng salitang kaibigan ngunit walang nakakaalam ng tunay na kahulugan nito sapagkat lahat tayo ay may sariling interpretasyon ng salitang kaibigan. Pero para sa akin, ang kahulugan ng salitang kaibigan ay yung mga taong tanggap ka kahit ano ka man at kahit anong meron ka. Mga taong hindi mag-aatubili na sabihin sa harap mo kung tama o mali ang ginagawa mo. Mga taong maiiyakan mo at masasabihan mo ng lahat ng problema at sikreto. Mga taong magpapalakas ng loob mo at handang sumuporta sa lahat ng bagay na gagawin mo. Mga taong kahit anong problema o pagsubok ang iyong daraanan ay laging nandiyan handang dumamay sa iyo. Mga taong kailan man ay hindi ka iiwan mag-isa. Yan para sa akin ang kahulugan ng salitang kaibigan.

No comments:

Post a Comment